Automatic approval sa pagpapatayo ng cell towers, inihirit sa DICT
Hiniling kay Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Manny Caintic ang ‘automatic approval’ sa mga permit para sa pagpapatayo ng cell towers.
Nangyari ito nang makipag-diyalogo si Caintic sa ilang Independent Tower Companies (ITCs) kamakailan.
Hirit ng ITCs sa oras na makapagpalabas ng guidelines, dapat ay awtomatiko nang aprubahan ang kanilang permits kapag nakumpleto na nila ang requirements.
Himutok nila, tumatagal pa rin ang proseso sa oras na kontra ang lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng cell towers.
Sinabi ni Caintic, may utos si Pangulong Rodrigo Duterte na bumalangkas ang kagawaran ng guidelines para mapabilis ang pagpapatayo ng cell towers.
Nabanggit din nito na magkakasa sila ng mas malawak na information campaign para malinawan ang mga residente na tumututol sa cell tower sa pangamba na may epekto ito sa kanilang kalusugan.
Inihirit din ng ITCs na palawigin ang validity ng kanilang permits, na ngayon ay may bisa ng limang taon lamang, gayundin nailabas nila ang kanilang mga isyu ukol sa power lines at sa binabayarang buwis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.