Pamilya ng isang gobernador, ginagamit umano ang TUPAD sa pulitika

April 19, 2022 - 01:05 PM

Inakusahan ang pamilya ni Quezon Province Governor Danilo Suarez ng mismong mga benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced Workers (TUPAD) sa umano’y pagsasamantala sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa ilang benepisyaryo, hindi nakikita sa Quezon ang tunay na esensya ng programa dahil marami umanong indibiduwal ang isinama na hindi kabilang sa hanay ng “displaced workers.”

Maliban dito, sa halip na isagawa sa mga bayan ang pay-out sa TUPAD workers, iniipon umano ito sa Quezon Convention Center sa Lucena City at iba pang lugar para pakainin mula umaga hanggang hapon at pagkatapos ay ihahatid pabalik sa kanilang lugar.

Nabatid pa na inoobliga umano ang libu-libong TUPAD workers na makinig sa mga talumpati ng mga kandidato ni Suarez bago ang aktuwal na pay-out.

Huling nakapagsagawa ng pay-out noong Miyerkules Santo, Abril 13, kung saan mahigit 4,000 TUPAD workers ang dumalo.

“Bakit naman kailangan muna kaming makinig sa mga talumpati at pangangampanya ng mga kandidato bago maibigay sa amin ang aming mga sahod na amin namang pinagtrabahuhan. At bakit kailangan pang siraan muna sa aming harapan ang mga kalaban nilang kandidato”, hinaing ng isang TUPAD worker.

Kamakailan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pinaiimbestigahan ang umano’y paggamit ng ilang pulitiko sa TUPAD program sa para sa pansariling interes.

Nagsagawa na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng sariling imbestigasyon sa napakaraming reklamong anomalya sa programa ng DOLE.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.