Pagsusuot ng face mask, mananatili hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte
Mananatili ang mandatory face mask sa bansa hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo.
Ito ay kahit na pababa na ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa ‘Talk to the People,’ sinabi ng Pangulo na hindi pwedeng magpabaya ang pamahalaan dahil nananatili pa ang banta ng virus.
Nangangamba ang Pangulo na matulad ang Pilipinas sa ibang bansa na nagkaroon ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil niluwagan na ang health protocols.
Payo ng Pangulo sa publiko, patuloy na sumunod sa health protocols.
“And ako, I’ll just state my case na hindi — there is no way that masks will not be required. It will be a part of the protocol for a long time until the last day of my office. Iyan ang order ko at ‘yan ang sundin ninyo,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, napakawalang kwenta niyang lider kung hihimukin na ang taong bayan na hindi na magsuot ng facemask.
Maari aniyang gawin sa ibang bansa ang hindi pagsusuot ng face mask pero hindi sa Pilipinas.
Paliwanag ng Pangulo, hindi mayamang bansa ang Pilipinas kung kaya hindi na kakayanin na magkaroon ng panibagong pandemya.
Sa ngayon, nakararanas ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang Hong Kong, South Korea at Thailand.
Kasabay nito, hinimok ng Pangulo ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na palakasin pa ang pagbabakuna kontra COVID-19.
“Mga kapatid ko na Muslim pati ‘yung the guys running the BARMM, I’d like also to appeal to Chairman, si Murad, na kindly give a little push for the people there to get vaccinated. You know, it’s science. It has been studied, experiments were conducted hindi lang dito sa atin pati sa labas. As a matter of fact, it was a concerted effort during the pandemic. It’s slowing down but it’s still there,” pahayag ng Pangulo.
Pakiusap ng Pangulo, magpabakuna na.
Hangga’t wala aniyang bakuna ang nakararaming Filipino, mahihirapan ang bansa na makarekober sa pandemya.
May mga bagong variant kasi aniya ng COVID-19 ang sumusulpot ngayon.
“We are not out of the woods actually. We are still in a bind,” pahayag ng Pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.