DILG, nagbabala sa mga kandidato na huwag gamitin ang mga armadong grupo para mang-harass ng mga botante
Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kandidato ng 2022 National and Local Elections, lalo na ang tinukoy na 120 election hotspots, na huwag gamitin ang mga armadong grupo at pribadong grupo para mang-harass ng mga botante at iba pang kandidato.
“Stop using armed goons, stop using intimidation and force to influence the voters and other election candidates,” pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año.
Hindi aniya sasantuhin ng kagawaran sinuman ang gumagawa nito.
“The Philippine National Police (PNP) is committed to enforce the law completely sa kahit sinong lumabag sa batas, no fear and favor,” ani Año.
Kasunod ng mga napaulat na karahasan na posibleng konektado sa eleksyon, iginiit ng kalihim na dapat na itong ihinto.
“Binabalaan ko ang mga kandidatong gumagamit ng goons at private armies na itigil ang pagpapalaganap ng karahasan at panlilinlang para lamang makahikayat ng mga botante,” saad nito.
Wala aniyang lugar ang mga armadong grupo sa pagdaraos ng eleksyon.
Sisiguraduhin aniya ng PNP ang kapayapaan at kaayusan upang maprotektahan ang mga boto sa mismong araw ng eleksyon.
“Doble-kayod ngayon ang Kapulisan upang mawakasan ang kalakarang ito [use of armed groups and private armies] katuwang ang Armed Forces of the Philippines na tutukan ang mga areas of election concern,” saad ni Año.
Base sa datos ng PNP, may 125 local government units (LGUs) na tinukoy bilang areas of election concern o hotspots sa bansa.
Naisumite na ang naturang listahan sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez na sasailalim pa sa validation ng Comelec regional offices ang nasabing 125 LGU election hotspots.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.