Bangladeshi ambassador, dismayado sa hindi pa nakukuhang pera

By Kathleen Betina Aenlle May 20, 2016 - 04:39 AM

 

Inquirer file photo

Hindi natuwa si Bangladeshi Ambassador to the Philippines John Gomes nang malaman niyang nasa tatlo hanggang anim na buwan pa ang itatagal ng proseso ng pagbabalik sa kanila ng perang isinauli ni junket operator Kim Wong na bahagi ng nakaw na $81 million mula sa kanilang bangko.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay sa $81 million money laundering scheme, sinabi ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Julia Bacay-Abad na maaring tumagal ng tatlo hanggang anim na buwan ang court proceedings.

Ayon kasi kay Abad, ito ay dahil sa oposisyon ng kampo ni Wong na agad namang ipinaliwanag ng kaniyang abogado at sinabing ang kanilang inihain ay para lamang linawin na ang perang ibinalik ni Wong ay hindi sa kaniya kundi sa junket agent na si Shuhua Go na itinuturong isa sa mga nagpasok ng nakaw na pondo sa bansa.

Nadismaya si Gomes at kinwestyon ang biglaang pagkakaroon ng aberya gayong dati na silang nasabihang agad ibabalik sa Bangladesh ang kanilang pera.

Giit pa ng ambassador, Bangladesh lang naman ang tanging claimant ng pera kaya dapat mabilis na ang maging proseso nito sa korte.

Hiling ni Gomes, tuparin ang unang ipinangako sa kanila na pag-sauli ng pera sa Bangladesh dahil pumirma naman na sila ng mga papeles para sa pag-tanggap nito.

Masyado aniyang mahaba ang mahigit tatlong buwan at sinabing Marso pa naibigay ang payment instructions pero ngayong matatapos na ang Mayo, paghihintayin na naman sila ng mas matagal pa.

Mistula aniyang sampal sa kaniyang mukha kung hindi niya maibabalik sa kanilang bansa ang perang naipangako nang ibabalik sa kanila.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa si Abad, at iginiit na kailangan pa ring sundin ang proseso ng pagbabalik ng pera sa Bangladesh.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.