Bahagyang tumaas ang bilang ng insidente ng krimen noong nakaraang buwan, ayon sa pambansang pulisya.
Base sa datos na inilabas ng Directorate for Investigation and Detective Management at Crime Research Analysis Center ng PNP, tumaas ng 5.61 porsiyento ang naitalang krimen at katumbas nito ay 1,584 mula Pebrero 22 hanggang Marso 22.
Kabuuang 29,798 ang naitalang krimen noong Marso kumpara sa 28,214 noong Pebrero.
Sa naturang panahon, maraming lugar sa bansa, kasama na ang Metro Manila ang sumailalim sa Alert Level 1.
Kabilang sa tumaas ang bilang ay mga insidente ng pagnanakaw.
Una nang sinabi ni Interior Sec.Eduardo Año na ang galaw ng mas madaming tao ang maaring dahilan nang pagdami ng krimen.
Payo ng kalihim sa publiko, mas maging alerto sa kapaligiran para maiwasan na mabiktima ng mga kriminal.
Nabatid na maging ang mga aksidente sa kalsada ay tumaas ng 15.43 porsiyento o 13,210 mula sa 11,444 noong Pebrero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.