Medical assistance sa private hospitals itutulak ng BH Partylist
Gagawing prayoridad ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang pagsusulong ng panukala para mabigyan ng tulong ang mga mahihirap na pasyente na mangangailangan ng mga serbisyo sa mga pribadong ospital.
Sinabi ni Herrera na kabilang ito sa kanyang magiging prayoridad sakaling maihalal para sa kanyang ikatlong termino bilang mambabatas.
Paliwanag nito, sa kanyang panukala, makakatiyak na may pondo na ilalaan ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pasyenteng walang kakayahan na magpagamot sa mga pribadong ospital.
“Ang pananaw ko kasi rito, dahil mas naging mahusay na ang sistema ng ating medical assistance program na ipinatutupad ng DOH at DSWD. Sa public hospitals, diretso ‘yan, walang problema. Nakakalabas ang mga pasyente ng walang binabayaran,” aniya.
Paliwanag niya, kinakailangan lamang na magkaroon ng memorandum of agreement sa pagitan ng gobyerno at private hospitals para makapaglagak ng pondo ang gobyerno sa pamamagitan ng Universal Health Care Law.
Dito aniya, huhugutin ang ipangtutulong sa mga mahihirap na pasyente na wala ng mahanap na pampublikong ospital kayat pumasok na ng private hospital.
“Kung may emergency cases, that would be the mechanism for government to put funds sa private hospitals para in cases of emergency na walang available na public hospital kaya pa rin bayaran ng gobyerno ang bill ng ating mahihirap na kababayan,” sabi pa ni Herrera.
Sabi pa nito, hindi sapat ang isang administrative order na gumagarantiya sa medical assistance at ang nararapat ay magkaroon ng batas para dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.