Sinimulan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pangangampanya sa lungsod.
Pangako ni Belmonte, ipagpapaatuloy niya ang pagsusulong ng good governance at genuine service.
“Ang kailangan ng ating lungsod ay lider na titiyaking hindi maibubulsa ang kabang bayan. Hindi corrupt. Ang pera ng taumbayan ay dapat ibinabalik sa taumbayan sa pamamagitan ng tapat na serbisyo,” pahayag ni Belmonte sa kanyang talumpati sa grand rally sa Quezon Memorial Circle
Giit ni Belmonte, kailangan ng Quezon City ng isang lider na hindi ganid.
“Ang kailangan nating lider ay tapat sa tungkulin, matino, may talino, may pagmamalasakit at dedikasyon sa trabaho. Higit sa lahat ang kailangan nating lider hindi makasarili, hindi ganid, ang iniisip ay ang kapakanan lamang ng taongbayan. Bayan bago sarili,” pahayag ni Belmonte.
Ibinida ni Belmonte ang kanyang mga nagawa sa unang termino.
“Noong ako ay umupo noong 2019, naglatag tayo ng 14-point agenda na tututok sa ating mga pangunahing pangangailangan: malinis at tapat na pamamahala, maayos na serbisyo para sa taumbayan, at maunlad na sektor ng negosyo,” pahayag ni Belmonte.
Naging hamon kay Belmonte ang pandemya sa COVID-19.
“Hindi tayo nagpatinag. Aaminin ko, noong umpisa ng pandemya ay nangapa tayo, dahil sino ba ang nakapaghanda sa isang problemang ganyang katindi,” pahayag ni Belmonte.
Dahil sa maayos at transparent na pamamahala, ginawaran ang Quezon City government ng pagkilala ng Commission on Audit (COA) na naging kauna-unahan sa kasaysayan para sa annual audit report para sa taong 2020.
“Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ating lungsod, kinilala ng COA na malinis, at walang bahid ng katiwalian sa Quezon City Hall. Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ng COA na katiwa-tiwala ang pamahalang Lungsod Quezon.,” pahayag ni Belmonte.
“Ang mga negosyante, bumalik ang tiwala at kumpiyansa!! Kahit may pandemya at maraming negosyo ang nagsara, tumaas pa ang ating nakolektang buwis!” dagdag ni Belmonte na ang tinutukoy ay ang P22 bilyong buwis na nakilekta noong 2020.
Itinanghal din ang Quezon City na pinakamayaman na local government units na mayroong P452 bilyong total assets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.