DepEd, umapela kay Pangulong Duterte na ipawalang-bisa ang vape bill

By Angellic Jordan March 17, 2022 - 06:44 PM

Inquirer file photo

Humirit ang Department of Education (DepEd) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa ang Vaporized Nicotine Products Regulation Act na inaprubahan ng Senado sa pangatlo at huling pagbasa noong Disyembre 2021.

“Bilang institusyon ng pamahalaan na nagtataguyod sa kapakanan ng mga batang Pilipino, tayo ay naninindigan laban sa nasabing “anti-health” vape bill, na magpapahina sa umiiral na batas at executive order laban sa Electronic Nicotine Delivery Systems (ENDS) o Electronic Non-Nicotine Delivery Systems (ENNDS) na mas kilala bilang e-cigarettes o “vapes,” pahayag ng kagawaran.

Kung maisasabatas, iginiit ng DepEd na pahihinain ng panukalang batas ang mahahalagang probisyon sa Republic Act No. 11467 at Executive Order No. 106 na kapwa nilagdaan ng Pangulo noong 2020.

Pinapangasiwaan na anila ng batas at EO ang electronic nicotine/non-nicotine delivery systems, heated tobacco products, at iba pang novel tobacco items.

Mapapababa aniya ng panukalang batas ang access restriction age mula sa 21-anyos na itinakda ng RA 11467 at 18 taong gulang sa EO 106.

Ayon sa DepEd, hindi bababa sa 870,000 mag-aaral sa basic education sector sa Taong Panuruan 2020-2021 ang nasa 18 taong gulang, habang halos 1.1 milyong estudyante naman sa senior high school ang nasa 18 hanggang 20 taong gulang.

Saad nito, “Itinuturo natin sa mga eskuwelahan kung paano ang bahagi ng utak na responsable para sa rasyonal na mga desisyon ay hindi lubos na nabubuo hanggang sa ang isa ay nasa kalagitnaan na ng edad dalawampu. Bago ang edad na ito, ang mga kabataan ay bulnerable na maengganyo sa mapanganib na kilos tulad ng paggamit at pagkaabuso sa substance.”

Kung aamyendahan ang batas, sinabi ng DepEd na dapat ang pagtaas ng edad ng access sa mga mapaminsalang produkto, at hindi ito ibaba.

Pinahihintulutan din ng panukala ang online sales, at ang iba pang flavors bukod sa plain tobacco at menthol. Nakaposisyon din anila ang panukala “bawasan ang pinsala dulot ng paninigarilyo.”

Samantala, sinabi naman ng World Health Organization (WHO) na ang “ENDS ay hindi maitatangging nakapipinsala,” at ang flavors na kaaya-aya sa mga bata at ang advertising sa pamamagitan ng social media platforms ay kabilang sa mga paraang isinasagawa ng mga industriya ng tabako upang makahikayat ang mas batang henerasyon.

“Ito ay lubhang ipinag-aalala natin sa DepEd,” pahayag nito.

Sa pag-aaral ng Philippine Pediatric Society sa mga estudyante ng Grade 7 hanggang 9, 6.7 porsyento ang nakasubok at gumagamit ng e-cigarettes. Kabilang sa mga pangunahing dahilan nito ang online accessibility (32 porsyento), iba’t ibang flavors (22 porsyento), at ang paniniwala na ang e-cigarettes ay mas ligtas kaysa sa tabako (17 porsyento).

“Sa patuloy nating pagsasakatuparan ng comprehensive tobacco control program sa mga eskuwelahan upang mabigyang proteksyon ang kalusugan ng mga mag-aaral, inaasahan ng DepEd na ang ating mga pinuno at mambabatas ay patuloy na itataguyod ang malusog na pamumuhay sa ating mga kabataan,” dagdag ng DepEd.

Kasama ng DepEd sa panagawan ang Department of Health (DOH) at iba pang mga medikal na organisasyon.

TAGS: deped, InquirerNews, RadyoInquirerNews, VapeBill, deped, InquirerNews, RadyoInquirerNews, VapeBill

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.