PNoy sa sambayanan: “Makakalingon ako ng taas-noo; naging totoo ako sa inyo”
Sa nalalapit na pagtatapos ng kaniyang termino, kumpiyansang sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na taas-noo at mata sa mata siyang makakatingin sa sambayanang Filipino.
Sa kaniyang talumpati sa paglagda sa Children’s Emergency Relief and Protection Act o Republic Act No. 10821, sinabi ni PNoy na sa natitirang apat na pu’t tatlong araw niya sa pwesto, tuloy-tuloy pa rin ang kaniyang trabaho.
Ayon sa pangulo, sinasagad niya ang bawat pagkakataong natitira upang makapaglingkod sa sambayanan na kung tawagin niya ay “boss”.
Diretso ring sinabi ni Pangulong Aquino na pagbaba niya sa pwesto sa June 30 ay matiwasay siyang lilisan sa Malakanyang at alam niyang taas-noo siyang makakalingon sa publiko dahil tinupad niya ang mandatong ipinagkaloob sa kaniya.
“Ang masasabi ko po, sa darating na ika-30 ng Hunyo, pagpalo ng alas-dose ng tanghali, matiwasay tayong makakababa sa puwesto, makakalingon nang taas-noo sa sambayanang Pilipino, at mata sa matang masasabi: Tumotoo ako sa inyo. Tumupad ako sa mandatong kaloob ng aking mga Boss,” sinabi ni PNoy.
Binanggit din ni PNoy na ang iiwan niyang Pilipinas na dadatnan ng susunod na administrasyon ay ‘di hamak na ‘mas maganda’ kaysa sa kaniyang dinatnan noon.
Sa huli, sinabi ng pangulo na isang karangalan para sa kaniya ang makapaglingkod sa mga “boss”.
“Hanggang sa huli po: Isang karangalan para sa isang Noynoy Aquino ang makapaglingkod sa isang dakilang lahi, sa aking mga Boss, sa inyo, ang sambayanang Pilipino,” dagdag pa ng pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.