Pang-iinsulto sa mga tagasuporta ni VP Leni pinatitigil ni Sen. Leila de Lima
Hiniling ni reelectionist Senator Leila de Lima kay Undersecretary Lorraine Badoy na tigilan na ang pang-iinsulto sa mga sumusuporta kay Vice President Leni Robredo.
Insulto, aniya, na maituturing na akusahan na kakampi ng komunista ang mga tagasuporta ni Robredo.
Sinabi pa ni de Lima na matagal na itong taktika ng gobyerno para matakot ang oposisyon ngunit diin niya kabaligtaran ang nangyayari dahil lumalakas pa ng husto ang suporta kay Robredo.
Unang sinabi ni Badoy, na tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagsinungaling si Robredo nang sabihin nito na wala siyang kinakausap sa CPP – NPA – NDF.
Hinamon ni de Lima si Badoy na panumpaan ang kanyang akusasyon at ang red tagging sa kampo ni Robredo.
“Malinaw na nagkakaisa ang Filipino sa Robredo-Pangilinan para matiyak na hindi na makabalik ang paghahari ng karahasan sa nakalipas na halos anim na taon at walang karapatan ang NTF-ELCAC dahil bahagi ito ng panggigipit ng administrasyon,” dagdag pa ng senadora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.