DILG, umapela sa publiko na maging mapagmatyag at sundin ang fire safety protocols
Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na mas maging mapagmatyag at sundin ang fire safety protocols upang maiwasan ang mga insidente ng sunog.
Sa unang apat na araw kasi ng Fire Prevention Month sa buwan ng Marso, nakapagtala na agad ng 94 insidente ng sunog sa bansa.
“Tulong-tulong po tayo, ‘yan po ang aming mensahe ngayong Fire Prevention Month. Prevention starts in homes and establishments,” pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año.
Base aniya sa huling datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot na sa humigit-kumulang P20.4 milyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian at pitong indibiduwal ang nasawi sa mga nangyaring sunog simula March 1 hanggang 4.
Ngunit, sinabi ng kalihim na mas mababa ang naturang bilang kumpara sa naitalang insidente noong 2021 sa kaparehong buwan, na umabot sa 161.
Sa fire incidents mula March 1 hanggang 4, 64 na sunog o 68 porsyento ang tinukoy bilang “accidental”; tig-dalawa ang “intentional” at “natural”; at isa ang dahil sa kapabayaan. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa 25 pang insidente.
“Nakikita natin na ang trend ayon sa mga datos ay accidental ang mga dahilan ng pagkakaroon ng sunog kaya malaking bagay na maipaalala sa ating mga kababayan na malaki ang kanilang tungkulin sa pagsugpo sa pagdami ng kaso ng sunog sa ating bansa,” ani Año.
Samantala, sa datos naman mula January 1 hanggang March 4, 2022, nakapagtala ang BFP ng 2,181 na fire incidents sa buong bansa. Mas mataas ito kumpara sa naitalang 1,984 fire incidents noong 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.