Mga babaeng frontliners na tumugon sa COVID-19, sinaluduhan ni Isko
Sinaluduhan ni Aksyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno ang mga babaeng frontliners na tumugon sa pandemya sa COVID-19.
Ginawa ni Moreno ang pagsaludo isang araw bago ang International women’s Day.
Ayon kay Moreno, dahil sa mga frontliners, naibsan ng bansa ang matinding epekto ng pandemya.
“Ang ating mga frontliners, mga babae at lalaki, nagtulung-tulong upang mapaglabanan natin ang virus. Mga nanay na kailangan iwan pansumandali ang pamilya upang lumabas para makapaglingkod at makapagsalba ng buhay; mga kababaihang hindi inalintana ang panganib na maaring sila o ang kanilang pamilya ay mahawa; at ang ilan nga sa atin ay naimpeksyon na rin,” pahayag ni Moreno.
Matatandaang maging si Moreno ay hindi nakaligtas sa pandemya at nagpositibo sa COVID-19 noong Agosto.
Hindi aniya nabalewala ang sakripisyo ng mga frontliners.
“To our women frontliners and to all of you today, mukhang nakikita na natin ang bukang-liwayway ng tagumpay ng laban sa pandemyang ito. Sana ay magtuluy-tuloy na po ito para mapanatag na ang lahat. Sa laban ng Maynila kontra Covid, I didn’t do it alone. Kasama ko kayong lahat sa pamahalaang lungsod. I know some of you paid the ultimate price, may mga nalagas sa hanay natin by being with our people, doing their jobs. And some of us also got sick by performing our duties, but I am really proud of our employees- whether causal, JO, or managerial, I am really proud of you,” pahayag ni Moreno.
Kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa National Women’s Month, ipinangako ni Moreno na kapag nanalong pangulo ng bansa, lalo niyang paiigtingin ang gender equality at patas na oportunidad sa lahat ng mga Filipino sa kabila ng social status, sexual preference, religious beliefs o political affiliations.
“Lahat sa Maynila ay pantay-pantay; walang babae, lalaki, bakla o tomboy. Lahat may equal opportunity based on meritocracy. Kapag magaling ka, pweede ka at kapag may maitutulong ka, sama ka. Hindi ko tinitingnan kung ako ang katatayuan mo sa buhay o kung ano ang iyong kasarian. What matters most is what you can do in serving our people,” pahayag ni Moreno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.