Sen. Go: COVID-19 vaccination rollout, may ihihirit pa
Naniniwala si Senator Christopher “Bong” Go na magagawa pa ng gobyerno na mapaigting ang ikinakasang COVID-19 vaccination rollout program.
Suhestiyon ni Go, palawakin pa ang mobile at house-to-house vaccination, ang bakunahan sa mga botika at klinika, maging ang information campaign sa kahalagahan ng booster shot.
“Para maisagawa ito, hihilingin ko sa national government na palawakin pa ang pagbabakuna sa mga pharmacies and medical clinics. Dapat ding magtalaga ng vaccination sites at araw ng pagbabakuna para sa boosters shots,” aniya.
Sinabi pa nito na kabilang sa mga prayoridad ng National Task Force Against COVID-19 ay maturukan na ng booster shot ang 72.16 milyong fully vaccinated Filipinos at ang pagbakuna sa tatlong milyong senior citizens at persons with comorbidities.
Dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Health, dapat mabakunahan na ang mga manggagawa at kabataan kasabay ng pagbubukas ng maraming negosyo at dahan-dahang pagbubukas ng mga eskuwelahan.
“Ngayong unti-unti na tayong nagbubukas ng ekonomiya, dapat na mas maraming manggagawa ang mabakunahan para ligtas sila sa pagbabalik-trabaho, gayundin ang mga estudyante para mas maraming paaralan ang makapagdaos ng face-to-face classes,” dagdag pa ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.