Negosyante, misis inaresto ng Batangas police sa Pampanga
Hindi dinukot kundi inaresto sa bisa ng warrant of arrest ng mga tauhan ng Batangas police ang isang negosyante kasama ang kanyang misis sa Angeles City noong Biyernes.
Nabatid na isinilbi kina Soliman Villamin, may-ari ng DV Boer Farm at Lovely Corpus, ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Rebecca Ramas de Guzman ng Binangona RTC Branch 68 dahil sa kasong swindling.
Wala rin inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mag-asawa.
Sa ulat sa Calabarzon Regional Police Office sa Calamba City, alas-8:15 ng gabi noong nakaraang Biyernes nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Lian Police ang mag-asawa sa Barangay Pampanga.
Una nang napa-ulat na dinukot ng mga armadong lalaki ang mag-asawa at nagawa lang makatakas ng kanilang driver matapos bugbugin.
Nabatid na may nakbinbing mga arrest warrants ang mag-asawa gayundin ang kanilang mga kasosyo sa kanilang ‘farm business’ dahil sa swindling at large scale estafa.
Una na rin dumulog sa National Bureau of Investigation ang ilan din sa mga nagrereklamo laban kay Villamin matapos hindi matupad ang mga pangako nito base sa kanilang ‘investment scheme.’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.