‘Cease and desist order’ inilabas ng SEC kontra Alphanetworld
Nag-isyu ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng ‘cease and desist’ order laban sa Alphanetworld Corporatio, isang investment company.
Sa mosyon na inilabas ng Commission En Banc kamakailan, pinatitigil na ang Alphanetworld o NWorld, sa pagbebenta ng ‘unregistered securities.’
Inatasan din ng SEC ang kompaniya na tanggalin ang kanilang ‘online posts and offerings.
Sinabi ni SEC Enforcement Director Oliver Leonardo nadiskubre na nagbebenta ang NWorld ng ‘securities’ ng walang permit mula sa ahensiya.
Ang Alphanetworld ay pinamumunuan ng kanilang presidente na si Julius Allan Nolasco.
“Mayroon tayong batas na ipinatutupad na ‘pag ang isang korporasyon nagaalok ng financial product na securities sa pamamagitan ng investment contract… dapat silang magsecure ng permit to offer securities under Section 8 ng Securities Regulation Code, wala pong permit itong si NWorld,” paliwanag ni Leonardo.
Aniya sa pag-iimbestiga ng SEC – Enforcement and Investor Protection Department, ang inaalok na investment packages ng NWorld ay ‘Silver Package’ sa halagang P4,750, ‘Gold Package’ sa halagang P9,500 at ang ‘Platinum Package’ sa halagang P19,000.
Sinabi nito, ang mga pakete ay may kasamang skin care at consumer care products, ngunit nanghihikayat sila ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng referral bonuses.
Ang pangakong kita sa pamumuhunan, sabi pa ni Leonardo, ay aabot hanggang sa P127,000.
“Kung tutuusin mo napalaki ng entry fee. Sa P20,000 ilang sabon lang ang makukuha mo doon. So papaano ka kikita? So magrerecruit ka,” dagdag pa nito.
Babala ni Leonardo, kapag hindi tumigil ang NWorld sa kanilang ‘investment scheme’ ay sasampahan nila ito ng kasong kriminal.
Paalala niya ang paglabag sa Securities Regulation Code ay may katapat na parusang pagkakakulong na aabot ng 21 taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.