Computerized processing system sa BOC dapat nang ipatupad ayon sa Omniprime
By Chona Yu February 25, 2022 - 01:13 PM
Inatasan ng Manila Regional Trial Court Branch 47 ang Bureau of Customs na ipatupad na ang pinakahihintay na computerized processing system na nagkakahalaga ng P650 milyon.
Ayon kay Annabelle Margaroli, presidente at owner, ng Omniprime Marketing Incorporated, 90 hanggang 99.9 percent na mawawala ang korupsyon at smuggling sa Bureau of Customs kung maipatupad ang bagong computerized processing system
Nabatid na ang naturang proyekto ay napanalunan ng joint venture na Intrasoft International Incorporated at Omniprime Marketing Incorporated.
Noon pang 2015 napanalunan ng joint venture ang proyekto na pamalit sana sa lumang sistema ng BOC na Electronic-to-Mobile o E2M kasama na ang phase two ng Philippine’s National Single Window na patatakbuhin sa isang platform o sistema.
Layunin ng proyekto na gawin nang fully electronic at paperless ang mga transaksyon ng BOC kaya malaki ang maitutulong para masawata ang smuggling.
Nakasaad pa sa utos ng korte na inaatasan ang Department of Budget and Management-Procurement Service at sa BOC na ituloy ang nalalabing procurement process para sa proyekto partikular na ang paglagda sa kontrata at pag-iisyu ng Notice to Proceed sa joint venture.
Sinabi naman ni Atty Israelito Torreon, legal counsel ng Omniprime Marketing na maaring kasuhan nila si BOC Commissioner Rey Guerrero kung patuloy na magmamatigas at hindi aaprubahan ang proyekto dahil may kautusan na rin naman ang korte.
Giit ng korte na wala ng legal na balakid para hindi matuloy ang proyekto dahil ang kanilang kautusan ay final at executory na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.