China, napikon sa annual report ng Pentagon
Binanatan ng China ang annual report ng US Defense Department para sa taong ito, at sinabing pinapalala lamang nito ang tinatawag na “military threat” ng China.
Ayon kasi sa nasabing Pentagon report tungkol sa mga military activities ng China, sinabi ng US na pinagtutuunan ng pansin ng China ang militarisasyon sa mga pinagaagawang teritoryo sa South China Sea upang magkaroon ng mas malaking kontrol sa rehiyon.
Inakusahan rin nito ang China ng panla-lamang at ng kawalan ng transparency sa mga ginagawa nitong pagpapalawig ng pwersa ng militar na nagpapalubha ng tensyon sa mga kaagaw nitong bansa sa South China Sea.
Ayon kay Chinese defense ministry spokesman Yang Yujun, sadyang sinira ng US Defense ang kanilang national defense policy sa pamamagitan ng naturang report.
Mariin nila itong binatikos kasabay ng paliwanag na ang ginagawa nilang reporma sa militar kabilang na ang pagpapalakas ng mga armas ay bilang pagpapatibay ng kanilang soberanya at bahagi ng pagprotekta nila sa integridad ng kanilang teritoryo.
Idinetalye pa ng Pentagon sa kanilang report ang pagkakaroon na ng mahigit 10,000 talampakang runways at malalaking ports sa Spratly islands.
Naghukay na rin anila ng malalalim na channels, bumuo ng mga harbors at nagpatayo na rin ang China ng mga communications, logistics at intelligence-gathering facilities.
Ang mabilis anilang pagpapatayo ng mga pasilidad gn China sa mga pinag-aagawang teritoryo ay nagbibigay sa bansa ng mas malakas na abilidad na kontrahin ang mga gagawing aktibidad ng ibang bansa sa South China Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.