PNP, naghahanda na sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa Boracay
Sa papalapit na summer season, inaasahan na ang pagdagsa ng mga turista sa Boracay Island sa Malay, Aklan.
Base sa huling anunsiyo ng Inter-Agency Task Force (IATF), iiral ang Alert Level 2 sa Aklan, Antique, Bacolod City, Capiz, at Negros Occidental simula February 16 hanggang sa katapusan ng buwan.
Kasabay ng unti-unting pagbaba ng COVID-19 restrictions sa bansa, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Dionardo Carlos na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng PNP units, lalo na ang Tourists Police Units (TPU), ng standards and safety protocols alinsunod sa mga panuntunan ng IATF.
Ipinag-utos na aniya sa lokal na pulisya ang paghahanda ng anti-criminality measures upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga lokal at dayuhang turista.
“Ang unti-unting pagdagsa ng mga turista sa Boracay mula sa halos dalawang taon na pansamantalang pagtigil ng operasyon sa buong isla dulot ng pandemya ay isang indikasyon ng muling pagbangon ng ating ekonomiya sa bansa. Ngunit kasabay nito ay kailangan pa rin nating tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mga pumupunta sa isla hindi lamang sa banta ng pandemya kundi pati na rin sa mga nagbabalak na gumawa ng masama.” ani Carlos.
Dagdag nito, “With the latest issued advisory dated February 1, 2022 where establishments in Boracay Island are allowed by the local government to operate from 5 o’clock in the morning until 1 o’clock of the following morning, we assure the public that our five Boracay Sub-Stations in Malay, Aklan with 306 tourist police are well equipped and always ready to provide 24/7 police response especially in conspicuous places along beachfront, hotels, bar and restaurants.”
Payo ng hepe ng PNP sa publiko, lalo sa mga nagpaplanong magbakasyon, manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga ipinatutupad na safety protocols sa lahat ng oras.
Base sa tala ng Department of Tourism (DOT), umabot sa 35,799 ang tourist arrivals sa unang buwang 2022.
200.88 porsyento itong mas mataas kumpara sa naitalang 11,898 turista noong January 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.