Pag-apruba ng Malakanyang sa validity extension ng lisensiya, special permits ikinatuwa ng partylist group
Pinapurihan ng PASAHERO Partylist group ang pagpapalawig ng Malakanyang sa bisa ng driver’s license at special permits na nag-expire noong nakaraang Oktubre.
Sinabi ni PASAHERO Partylist founder Robert Nazal na malaking tulong ito sa mga naghihirap ng public transport drivers.
“Ito ang natatanging hakbang para kahit paano ay mapagaan naman natin ang bigat na pinagdaraanan ng public transport sector na talagang hinagupit ng husto ng pandemya,” sabi pa ni Nazal.
Aniya, sa ngalan ng daan-daang libong public transport drivers, nagpapasalamat siya kina Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Christopher “Bong” Go, Transportation Sec. Arthur Tugade at LTO Chairman Edgar Galvante.
Kamakailan, inanunsiyo ng Land Transportation Office (LTO) na magagamit hanggang sa Pebrero 28 ang mga lisensiya at special permits na nag-expire noong nakaraang Oktubre.
Sinabi naman ni PASAHERO co-founder Allan Yap ang unang inihirit ng mga driver ay anim na buwan na validity extension.
Aniya, makikinabang nang husto ang tricycle drivers, operators, maging ang mga mananakay, na kinakatawan ng kanilang grupo.
Kasabay nito, inanunsiyo na rin ng LTO na hanggang Pebrero 28 ay maari pa rin iparehistro ng walang multa ang mga sasakyan na dapat ay ipinarehistro noong Enero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.