P8 milyon, ayuda ni Isko sa mga nasunugan sa Cavite
Aayudahan ni Aksyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno ang 790 pamilya na nasunugan sa Cavite.
Ayon kay Moreno, P8 milyon ang kanyang ipangtutulong sa mga nasunugan.
Personal na binisita ni Moreno ang mga nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa Ladislao Diwa Elementary School.
Ayon kay Moreno, makatatanggap ng tig-P10,000 ang bawat pamilyang nasunugan.
Galing aniya ang pondo sa kanyang personal fund at donasyon ng mga kaibigan at mga tagasuporta.
“Sana makapagbigay kami ng konting pag-asa at tulong upang makabalik na kayo agad sa inyong lugar, na maramdaman ninyo na may kapwa Pilipino na nagmamalasakit po sa inyo,” pahayag ni Moreno.
Kasama ni Moreno na bumisita sa mga nasunugan ang kanyang ka-tandem na si vice-presidential candidate Dr. Willie Ong at senatorial bets na sina Dr. Carl Balita, Samira Gutoc, at Jopet Sison.
“Naranasan ko rin mawalan ng tirahan minsan sa buhay ko at ito ay napakasakit at mahirap. Kaya naman noong ako ang naging alkade sa Maynila, binigyan ko ng prayoridad ang mga pabahay para sa mga batang Maynila,” pahayag ni Moreno.
“Sa awa ng Diyos at kung tayo ay papalarin, hindi lamang sa Maynila ito mangyayari kundi gagawin natin sa buong bansa,” ayon sa presidential aspirant.
“Isa sa mga minimum basic needs ng tao ang shelter or isang masisilungan. At diyan tayo nakatutok, ang mapunan man lamang ang basic needs ng ating mga kababayan upang magkaroon ng pantay-pantay na oportunidad ang lahat,” dagdag ni Moreno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.