9,784 bata, nabakunahan sa unang araw ng COVID-19 vaccination sa pediatric population
Naging matagumpay at maayos ang pagsisimula ng COVID-19 vaccination sa mga batang may edad lima hanggang 11 taong gulang noong Lunes, February 7.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na umabot na 9,784 bata ang nabigyan ng bakuna sa 32 vaccination sites hanggang 8:00, Lunes ng gabi.
Pfizer ang itinurok na bakuna sa 5 to 11 age group.
Isang 11-anyos na lalaki mula sa Parañaque aniya ang napaulat na kaso na nagkaroon ng non-serious adverse effect.
Nagkaroon ng pantal ang braso at kamay nito matapos mabakunahan ngunit ani Cabotaje, mabilis ding nawala ang pantal.
Samantala, inaasahan na rin aniya ang pagdating sa bansa ng dalawa pang shipment ng COVID-19 vaccines para sa naturang age group sa February 10 at 16, 2022.
“Kada shipment ay may 780,000 doses ng bakuna para sa 5 to 11 [age group]. Tapos pagkaraan ng dalawang shipment na ito, may inaasahan [na] dalawa pa ulit na [shipment] after one week apart hanggang end of February,” saad nito.
Tiniyak ni Cabotaje na ligtas at epektibo ang ituturok na COVID-19 vaccine sa mga bata.
“Itong bakuna para sa 5 to 11 [age group], gayundin ang mga ginagamit nating pagbabakuna sa bansa ay dumaan sa masusi at istriktong pag-aaral ng ating Philippine Food and Drug [Administration] bago mabigyan ng ating tinatawag na Emergency Use Authorization. So hindi basta-basta ang pagbibigay ng EUA hangga’t inaaral ang safety at efficacy [ng bakuna],” ani Cabotaje.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.