Smartmatic, paiimbestigahan ng COMELEC dahil sa pagbabago sa data packet

By Kathleen Betina Aenlle May 14, 2016 - 05:21 AM

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Isang committee ang binuo ng Commission on Elections (COMELEC) upang imbestigahan ang ginawang pagbabago ng Smartmatic sa data packet ng transparency server nang hindi man lamang nagpa-paalam sa kanila.

Dahil kasi sa ginawa ng Smartmatic, lumawak ang mga ispekulasyon na nagkakaroon ng dayaan sa bilangan ng mga boto.

Kaugnay rin sa ginawa ng Smartmatic, hindi na sila ngayon pinahihintulutan ng COMELEC na makalapit sa consolidation and canvassing system workstation sa Philippine International Convention Center (PICC).

Inakusahan tuloy ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon ang Smartmatic ng breach of protocol dahil hindi naman sila humingi ng pahintulot mula sa poll body nang gawin nila ang nasabing hakbang.

Bagaman tiniyak ni COMELEC Chairman Andres Bautista na walang naging epekto ang binago sa data packet sa resulta ng bilangan ng boto, nais pa rin ng ibang kasapi ng poll body na magsagawa ng pormal na imbestigasyon.

Ayon kay Guanzon, ang nasabing committee ay pamumunuan ni COMELEC law department director Norina Casingal, katuwang si Margareth Chin na head naman ng personnel department bilang kaniyang vice chair.

Napayapa naman ang loob ni Guanzon nang malamang hindi ito nakaapekto sa bilangan ng boto, ngunit hindi pa rin tama na galawin ng Smartmatic ang program nang walang pahintulot mula sa en banc.

Sa ganitong paraan ay sana naipaliwanag muna sa kanila kung ano ang problema, at kung paano ito maaayos.

Giit pa ni Guanzon, hindi hawak ng Smartmatic ang halalan, kundi ng COMELEC kaya hindi dapat sila kumikilos mag-isa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.