Palasyo, kinumpirmang isinugod si Pangulong Duterte sa Cardinal Santos Medical Center
Kinumpirma ng Palasyo ng Malakanyang na isinugod sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos aminin ng Palasyo na na-expose si Pangulong Duterte sa isang household staff na nagpositibo sa COVID-19.
Paglilinaw ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles, nagtungo ang Pangulo sa ospital para sa kanyang routine medical check-up lamang.
“President Rodrigo Roa Duterte’s visit to Cardinal Santos Medical Center in San Juan is for his routine medical check-up only,” pahayag ni Nograles.
Palinawag ni Nograles, noon pang January 30, 2022 ang huling exposure ng Pangulo.
Noong Lunes, January 31, 2022, nakuha ng Pangulo ang resulta ng kanyang RT-PCR test at negatibo naman ito.
Inulit aniya ang pagsusuri sa Pangulo noong February 1 at sa ikalawang pagkakataon, negatibo ulit ang resulta.
Hindi naman tinukoy ni Nograles kung kailan nagtungo sa ospital ang Pangulo.
January 24 huling nakita ng publiko si Pangulong Duterte nang magsagawa ng kanyang regular na Talk to the People.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.