Panukalang batas para sa responsableng paggamit ng single-use plastics lumusot sa Senado

By Jan Escosio February 02, 2022 - 09:12 PM

Sa pagpupursige ni Senator Cynthia Villar, walang tumutol na senador sa panukalang batas para bigyan responsibilidad ang mga malalaking kompaniya sa tamang pamamahala ng plastic packaging wastes.

Sa boto na 22-0-0, pumasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No 2425, na nag-amyenda sa RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

Ayon kay Villar isinulong ang panukala base sa panawagan na magkaroon ng regulasyon sa paggawa at paggamit ng single-use plastics.

‘It is not a solution in itself, but is a move in the right, I believe. We need to rescue our country from being a marine litter culprit and demonstrate that a developing country can and will make this work,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Environment.

Dagdag pa ni Villar sa pamamagitan ng Extended Producer Responsibility o EPR, may responsibilidad na ang mga industriya para sa tama at epektibong recovery, treatment, recycling at pagtapon ng mga produktong ipinakete sa plastics ng mga kompaniya matapos gamitin ang mga ito ng mga konsyumer.

Binibigyan ang mga malalaking kompaniya ng hanggang 2030 para ganap na makasunod sa nakasaad sa batas at bibigyan sila ng insentibo sa buwis sa maayos na EPR programs.

Hindi naman obligado ang mga maliliit na negosyo na magkaroon ng kanilang EPR.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.