Publiko, pinaalalahanan ukol sa mga dapat tandaan sa ubo
Sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, maraming indibiduwal ang maaring nakararanas ng ubo at iba pang uri ng sakit, na maaring sintomas ng Omicron variant ng nakahahawang sakit.
Bagamat hindi malala ang bagong variant dahil karamihan ay bakunado na, nagpaalala pa rin sa publiko ang ilang health expert.
Ayon kay Dr. Joseph Adrian “Doc Jondi” Buensalido, hindi dapat balewalain ang mga nararanasang sintomas, lalo na ang ubo.
Sa e-talk na ipinalabas sa GMA News Facebook page, GMA Brand Room, at Solmux Advance Facebook Page na pinamagatang “4 NA SAPAT AT DAPAT TANDAAN TUNGKOL SA UBO”, ipinaliwanag ng infectious disease expert ang mga importanteng impormasyon ukol sa ubo.
Una, nilinaw ni Doc Jondi na mayroong ubo na nakahahawa at mayroon ding hindi. Gayunman payo nito, mas makabubuting tratuhin na maaaring sanhi ng COVID-19 ang pag-ubo para maprotektahan ang pamilya.
Mahalaga aniya ang mabilis na pag-isolate upang hindi na mahawa ang mga kasama sa bahay o paligid. Kapag uubo, magtakip ng bibig at magsuot ng face mask para hindi na ito kumalat.
Pangalawang binanggit ni Doc Jondi na mayroong tamang gamot sa bawat sanhi ng ubo. Nakatutulong aniya ang home remedies na itinuturing bilang ‘supportive care’, katulad ng pag-suob, pag-inom ng lagundi, honey, pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin at iba pa.
Gayunman, hindi aniya ito sapat. May mga tamang gamot na dapat inumin para sa iba’t ibang sintomas ng COVID-19 katulad ng antipyretic, gaya ng paracetamol para sa lagnat at sakit ng ulo/katawan, antitussive o cough suppressant para sa dry cough, mucolytic katulad ng carbocisteine para sa ubo na may plema na hirap ilabas, at antihistamine para sa makating lalamunan.
Pangatlo, sinabi ni Doc Jondi na dapat magamot agad kapag nagkaroon ng ubo.
“Kapag virus, hindi kailangan ng antibiotic pero kapag bacterial infection, iyon ang kailangan na mayroong timely intervention,” saad nito.
Hindi aniya dapat hinahayaang lumala ang ubo at dapat bantayan ang tinatawag na “danger signs” tulad ng hirap sa paghinga, pagbaba ng oxygen, dugo sa plema, at sintomas na hindi gumagaling.
Kapag lumala ang ubo, nagkakaroon ng double-sickening at komplikasyon katulad ng pneumonia.
Dahil dito, payo ni Doc Jondi, dapat kumain ng tama, uminom ng maraming tubig at vitanims, at magkaroon ng sapat ng pahinga. Mahalaga rin aniyang magpabakuna, manatili sa pagsusuot ng face mask, at kumonsulta sa doctor para hindi lumala ang mga karamdaman.
Pang-apat, sinabi ng eksperto na hindi side effect ng bakuna ang ubo base sa Phase 3 clinical trials para sa COVID-19 vaccines.
Ani Doc Jondi, sa balikat o sa muscle itinuturok ang bakuna kung kaya hindi ito dumadaan sa airway o sa baga ng tao kaya hindi ito magdudulot ng pag-ubo, maliban na lang kung ang pasyente ay may allergy sa bakuna.
Patuloy naman ang paalala sa publiko na sumusunod sa health protocols upang hindi mahawa ng COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.