South Korean national na wanted dahil sa telephone fraud, arestado
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted dahil sa telephone fraud.
Ayon sa BI Fugitive Search Unit (FSU), nahuli ang dayuhang si Yi Younggwi, 43-anyos, sa kaniyang bahay sa North Dasma Garden Villas sa bahagi ng Molino-Paliparan Road sa Dasmariñas City, Cavite noong Miyerkules.
Sa bisa ng inilabas na warrant of deportation, naaresto si Yi alinsunod sa summary deportation order laban sa kaniya noong 2019 dahil sa pagiging isang ‘undesirable alien’.
Sinabi ni BI-FSU Acting Chief Rendel Ryan Sy na nahaharap si Yi sa arrest warrant na inilabas ng isang district court sa Daegu City, South Korea bunsod ng mga mapanlinlang na transksyon, na labag sa criminal at electronic financial transactions laws ng naturang bansa.
Naglabas din ang Interpol ng red notice laban kay Yi noong April 2018, tatlong buwan matapos ilabas ng Daegu District Court ang kaniyang arrest warrant.
“He has been on our wanted list for nearly three years but the long arm of the law finally caught him. Let this serve as another warning to wanted foreign criminals that the Philippines is not a sanctuary for fugitives,” ayon kay BI Commissioner Jaime Morente.
Inatasan ng BI Chief ang kanilang Legal Division na madaliin ang deportation ni Yi upang maharap sa mga trial at matanggap ang karampatang parusa sa kaniyang mga kaso.
Mapapabilang na rin si Yi sa immigration blacklist kung kaya’t hindi na ito maaring makapasok muli ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.