Hirit na P3 dagdag presyo sa pandesal, tasty bread pinuna ni Sen. Imee Marcos
Hinimok ni Senator Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng ‘price freeze’ sa mga sangkap sa paggawa ng mga tinapay.
Ginawa ni Marcos ang panawagan matapos ihirit ang dagdag na P3 sa halaga ng tasty bread at pandesal bunga ng mataas na presyo ng mga sangkap.
Nangangamba ito na darating ang panahon na magiging kasinglaki na lamang ng holen ang pandesal at hindi na magiging panlaman sa sikmura sa almusal ng maraming pamilyang Filipino.
“Napipilitang magtaas ng presyo ang mga panadero dahil nagmamahal ang materyales at pagpapatakbo ng negosyo habang gipit pa rin ang mga badyet ng mga mamimili sa gitna ng pandemya,” aniya.
Katuwiran naman ng mga panaderya, ang P35 na pinakamurang tasty bread at P21.50 na 10 pirasong pandesal ay noon pang 2016 itinakda.
Binanggit din ni Marcos na ang isang pang solusyon ay gumamit ng mas mura ngunit mas masustansiyang mga sangkap tulad ng kamote, monggo, kalabasa, patatas, maging bigas, mani at malunggay.
Tumaas ang halaga aniya ang presyo ng mga pangunahing sangkap ng tinapay tulad ng arina, shortening, margarina, asukal, gatas maging ang cooking gas na ginagamit sa mga oven.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.