Sen. Go, naniniwalang maayos ang COVID-19 response ng gobyerno
Sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na sa kanyang palagay ay bumuti ang pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 crisis noong nakaraang taon kumpara noong 2020.
“Maraming mga bansa sa mundo, mahirap man o mayaman, ang patuloy ring nahihirapan sa kasalukuyang pandemya dahil bagong sakit ito at patuloy itong nag-eevolve. Krisis po ito kaya hindi talaga ito madali para kahit kanino,” paliwanag ng senador.
Aniya, katulad din ng ibang mga bansa, kailangang makasanayan at makatugon ang sambayanang Filipino sa mga hamon dulot ng krisis-pangkalusugan.
Dagdag pa ni Go, sa kabila ng kakulangan ng suplay ng COVID-19 vaccines, nagawa ng Pilipinas na makakuha ng 213.49 million doses ng bakuna.
“Bagamat tumataas muli ang kaso ng may COVID-19 ngayong simula ng taon, kita naman na maraming buhay ang napoproteksyunan dahil marami na ang bakunado at mas marami na ring pasilidad na tumutugon sa pangangailangan ng mga may sakit kumpara noong mga nakaraang taon,” pagdidiin nito.
Pakiusap lang niya muli na iwasan ang sobrang kumpiyansa dahil nananatili pa rin ang banta ng nakakamatay na sakit at patunay ang higit 33,000 na bagong kasong naitala sa araw ng Lunes, January 10.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.