P50,000 minimum health salary ng healthcare workers plano ni Sen. Manny Pacquiao
Nagpahayag ng pangamba si Senator Manny Pacquiao na magkulang o maubos ang mga healthcare workers kung mananatiling miserable ang kanilang pagta-trabaho dito sa bansa.
Sinabi ni Pacquiao, hindi pa nakikita ang panahon na magtatapos ang pandemya dulot ng COVID-19 bagamat maaring bumagal ang pagkalat nito kayat mangangailangan pa rin ng healthcare workers sa ibang mga bansa.
Binanggit nito na noong nakaraang taon lamang, 10,000 Filipino medical professionals ang umalis ng Pilipinas at nagtrabaho sa ibang bansa.
“Hindi malayong maubos ang mga health workers natin pero pag itinaas natin ang kanilang sahod maaring mapipigilan natin ang pag-alis nila papunta sa ibang mga bansa,” sabi pa ng presidential aspirant ng Partido Promdi.
Aniya dapat ang mga nurses, medical technologists, pharmacists at iba pang health care professionals ay may minimum na sahod na P50,000 kada buwan bukod pa sa kanilang allowances.
Mistula aniya na hindi makatao ang P13,000 buwanang sahod ng mga private nurses at P19,000 naman sa mga public nurses.
Hirit pa ni Pacquiao ang nais niyang P50,000 buwanang sahod sa Filipino healthcare workers ay mababa pa rin kumpara sa pasuweldo sa ibang mga bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.