(BJMP photo)
Patay ang anim na bilanggo habang 33 na iba pa ang sugatan matapos ang riot sa Caloocan City Jail.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology spokesperson Jail Superintendent Xavier Solda, nagsimula ang riot sa pikunan ng dalawang bilanggo na miyembro ng dalawang malaking grupo.
Nangyari ang riot bandang 4:00 kahapon, January 10.
Hindi na muna tinukoy ng BJMP ang pagkakakilanlan ng mga nasawi pati na kung anong grupo kabilang ang mga ito.
Ayon kay Solda, sinibak na sa puwesto si Jail Superintendent Niel Subibi dahil sa command responsibility.
Papalit sa puwesto ni Subibi si Jail Superintendent Lloyd Gonzaga.
Ayon kay Solda, nagsagawa na ng diyalogo ang mga tauhan ng Caloocan City Jail sa mga bilanggo.
Nagsagawa rin aniya ng Greyhound Operations kagabi sa pasilidad upang linisin ang mga selda mula sa anumang kontrabando.
Ayon kay Solda, mananatili muna ang karagdagang pwersa na inilatag sa pasilidad upang seguruhin ang kaayusan at katahimikan sa kulungan.
Pansamantala din munang itinigil ang anumang aktibidad sa pasilidad habang isinasagawa ng BJMP ang malalimang imbestigasyon sa pangyayari.
Ipinag-utos ni BJMP chief Jail Director Allan Iral sa pamunuan ng BJMP National Capital region ang pagpapabilis na maibalik ang normalidad sa loob ng Caloocan City Jail.
Sa kasalukuyan, tahimik at maayos na sa loob ng pasilidad.
Ayon kay Solda, bagamat ikinalulungkot ng BJMP ang mga pangyayari, tuloy pa rin ang trabaho para isulong ang mga programang makatutulong sa mga bilanggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.