Hindi ‘death sentence’ ang Omicron Variant! – “WAG KANG PIKON!” ni Jake J. Maderazo
Nakakatakot talaga ang biglaang pagdami ng mga bagong COVID-19 cases. Mula 889 noong December 29 at lumipas ang walong araw, aba’y biglang 17,220 na kahapon at may partida pang 11 laboratoryo na wala pang resulta.
Ayon sa expert panel ng gobyerno, aabutin daw ng isang buwan ang OMICRON ‘peak’ kung saan maaring umabot sa 30K hanggang 40K ang mga bagong kaso bawat araw.
At kung babasehan ang record ng Omicron sa South Africa, France at UK, super tindi ang paglobo ng mga infections pero mababa ang hospital admissions at mortality o mga namamatay.
Ibang-iba ito nang dumaan sa kanila ang DELTA at mga naunang ALPHA at BETA variants na magkakasabay na tumaas ang “new cases’, hospitalization, at nasasawi.
Siyempre, inaasahan nating ganyan din ang mangyayari sa atin.
Katatapos lamang DELTA variant noong July-September kung saan napakaraming naospital at namatay. Pagkatapos ay biglang bumagsak ito na parang bato at at halos ZERO ang infection rate. Sabi nga ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr., tinalo na raw natin ang DELTA variant dahil sa dami ng nabakunahan at nagkaroon tayo ng ‘adult population protection’.
Pero naging sandali lang ang ligaya dahil bigla ngang pumasok si OMICRON na sumabay pa sa panahon ng trangkaso, ubo, sipon o “sore throat” ngayong tag-lamig.
Kaya, taranta ngayon ang mamamayan, di masiguro kung OMICRON ba ang sintomas nila. Pati ang lagnat, ubo ng mga sanggol o mga bata ay suspected COVID na rin. Halo-halo kalamay na.
Siyempre, antigen at RT-PCR ang katapat niyan, at sa mga mahihirap na pamilya, hindi nila makakayanan iyan. Marami riyan ay gamot sa lagnat o trangkaso ang hahanapin. Kaya nga pila ngayon sa paracetamol sa mga botika, at tulad ng inaasahan, kulang na naman sa suplay at siguradong taas presyo na naman.
Pero, ano ba talaga ang sitwasyon? Batay sa scientific evidence, hindi po ‘death sentence’ ang bagong OMICRON variant. Sa totoo lang, hindi ito katulad ng ALPHA, BETA lalo na ang DELTA na wumawasak sa ‘lungs’ o baga ng tao. Noon, kapag na-DELTA ka, malamang na ma-intubate o makabitan ka ng oxygen. Kaya nga, ubod ng dami ang nadisgrasya nating kaanak, kaibigan, kakilala at kababayan. Sa buong mundo, 5,484,574 na ang pinatay ng COVID-19.
Dito sa OMICRON, tripleng beses nakakahawa ito at ang tinatamaan ay ang ‘upper respiratory tract’ tulad ng ilong at lalamunan, kaya sipon lagnat at sore throat ang sintomas. Pero, batay sa mga pagsusuri, hindi ito sumisira ng baga at pumapatay. Gayunman, kailangan ring bantayan na hindi maging seryoso at kritikal ang kaso ng bawat pasyente.
At ‘di tulad ng naunang mga COVID-19 variants noon kung saan kabi-kabilang eksperimento ang gamutan na ikinamatay ng marami, iba at mas maganda ang sitwasyon ngayon.
Una, meron nang epektibong mga anti-Covid 19 pills sa alinmang estado ng karamdaman, maging “mild, moderate, serious o critical”. Ibig-sabihin, kapag tinamaan ka ng virus, merong agaran at mabisang gamot na ibibigay sa iyo at ikaw ay gagaling sa loob ng 5 hanggang 10 araw.
Ikalawa, kapag ganitong may gamot na ang ‘virus’ at alam na ng mga doktor, ang gamutan, ang pandemya ay nakokontrol na tulad nakamamatay na Spanish flu noon, tigdas at marami pang iba. Sa madaling salita, hindi sila nawawala sa paligid katulad na rin ng Covid-19 variants, pero meron nang katapat na medisina at treatment laban dito.
Kaya naman, mahalaga sa ating lahat ang mga susunod na araw. Haharapin ba nating mga Pilipino ang OMICRON na punung-puno ng takot o haharapin ito ng buong tapang at gising sa kaalaman?
Sa totoo lang, mas maswerte tayong lahat ngayon kumpara sa mga kababayan nating nasawi dahil walang gamot noon at walang matinong ‘treatment’ sa COVID-19.
Sila’y mga 51,743 Pilipino na hindi inabot ang biyaya ng mga bagong bakuna, anti-covid pills at mas propesyonal na medical attention na ngayo’y tinatamasa nating lahat.
Isipin natin ang buwis-buhay nilang dinaanan para magabayan sa tamang landas ang ating buong healthcare system. Magpasalamat tayo sa kanila at mas humusay ngayon ang ating mga ospital at mga frontliners at nakarating tayo ngligtas sa kinaroroonan natin ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.