DOH, aminadong mahihirapang maabot ang target na pagbabakuna sa 54-M katao sa bansa bago matapos ang 2021
Aminado si National Vaccination Operations Center chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje na mahihirapan ang pamahalaan na maabot ang target na mabakunahan kontra COVID-19 ang 54 milyong indibidwal bago matapos ang taong 2021.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Cabotaje na may mga lugar kasi sa Regions IV, VII, VIII at Caraga ang hindi nakasali sa ikalawang bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” dahil sa Bagyong Odette.
Kaya nakikiusap aniya ang kanilang hanay sa local government units na kahit Sabado at Linggo o Pasko ay magsagawa sana ng puspusang pagbabakuna.
“Medyo mahihirapan tayo ngayon, kasi karamihan sa mga apektadong lugar sa Region VI, Region VII, Region VIII at saka Caraga. Many of them are starting on next week, so ang ating pakiusap ay kahit Sabado at Linggo, kasi Christmas ngayon may break tayo ng 24, 25, 26, i-ramp up nila kung saan puwedeng bilisan at damihan doon na lang babawi tayo sa ibang mga areas,” pahayag ni Cabotaje.
Sa ngayon, mahigit 41 milyon pa lamang ang nababakunahan kontra COVID-19.
“Nagbigay tayo ng specific targets na mas mataas sa iba’t ibang areas na puwedeng magbakuna at binawasan natin iyong target sa mga hindi magbabakuna. Tingnan natin kung maiaarangkada nila, maihahataw nila sa mga areas na inaasahan natin kagaya ng Region III at saka Region IV-A. Medyo malaki-laki ang population ng Region VII, so kung hindi pa sila mag-start, medyo mahihirapan tayong umabot ng 54 million by the end of this year,” pahayag ni Cabotaje.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.