Dalawang agrarian reform beneficiaries organization, nakatanggap ng truck
May maagang pamasko ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa dalawang agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) sa lalawigan ng North Cotabato.
Ito ay dahil sa binigyan ng DAR ng dalawang hauling trucks ang dalawang organisasyon na New Leon Multi-Purpose Cooperative, na may 260 kasapi, mula New Leon, Aleosan, at ang Sto. Niño ARB Farmers Cooperative, na may 56 kasapi, mula Kamarahan, President Roxas.
Nagkakahalaga ang truck ng tig-P600,000.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Rodolfo Alburo, ang mga sasakyang ito ay magsisilbing panghakot ng mga produkto ng dalawang ARBOs.
“Malaki ang maitutulong nito sa paglakas ng kanilang produksyon at menos gastos naman sa halaga ng produksyon. Kung wala silang panghakot sa kanilang mga tinanim, maghahanap pa sila at magbabayad pa sa sasakyang hahakot, at dagdag gastos pa ang ganito sa kooperatiba,” ayon kay Alburo.
Ayon kay Alburo, pangunahing mandato ng DAR ay mamahagi ng lupa sa mga magsasaka ngunit kailangang siguruhin ng DAR na ang lupang tinanggap nila ay maging produktibo upang mapagbuti ang kanilang pamumuhay.
“Kung kaya’t nagkakaloob tayo ng support services upang makamit ang layunin ng ahensya,” ayon kay Alburo.
Ang hauling trucks ay ipinagkaloob sa ilalim ng proyektong Linking Smallholder Farmers to Markets and Microfinance (LINKSFarMM) ng ahensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.