Mga biktima ng RCBC investment scam idinulog sa Court of Appeals ang desisyon ng BSP
By Jan Escosio December 04, 2021 - 03:33 PM
Nagpasaklolo na ang Inang Nag-Aaruga sa Anak Foundation sa Court of Appeals (CA) matapos ang pagbasura ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa kanilang reklamo laban sa Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC).
Bukod sa pinatalsik na branch manager na si Liza Arzaga, kabilang din sa mga inireklamo ng ‘unsafe and unsound banking practices’ sina RCBC President and Chief Executive Officer Eugene S. Acevedo, gayundin ang mga dati at kasalukuyang miyembro ng Board of Directors ng naturang bangko.
Base sa reklamo, hinikayat sila ni Arzaga na mag-invest sa RCBC, Malayan Leasing at Grepalife at inakala nila na lehitimo ang lahat dahil ginawa nilang pormal ang lahat sa sangay ng RCBC sa Garnet Road, kung saan nagsisilbing manager si Arzaga.
Nadiskubre na lamang nila ang ginawang panloloko sa kanila nang hilingin kay Arzaga noong 2018 na mag-transfer ng P37 milyon sa isang checking account.
Anila pawang mga pekeng dokumento ang pinapirmahan sa kanila ni Arzaga at sa kabila nang pagpapakita sa kanila ng machine validated deposit at withdrawal slips, para patunayan ang paglipat ng pera, walang P37 milyon na naideposito sa checking account.
Nagreklamo ang Inang Nag-Aarusa sa Anak sa BSP, ngunit sa magkahiwalay na resolusyon na may petsang Agosto 20 at Oktubre 22, ngayon taon, ibinasura ang mga reklamo sa mga opisyal ng RCBC sa katuwiran na nawala ang pera.
Sa petisyon nila sa CA para baligtarin ang resolusyon ng BSP, iginiit nila na may mandato ang bangko at ang kanilang mga opisyal na pangalagaan ng husto at may integridad ang pera ng mga kliyente.
“It is for this reason that Petitioners now come before this court to seek the strict enforcement of our banking laws and rules for the protection and redress of the Petitioners and other RCBC bank customers who have suffered great damage due to the fraudulent acts which [the RCBC officers] have perpetrated and/or allowed to be perpetrated within bank premises,” ang mababasa sa petisyon.
Ang Inang Nag-Aaruga sa Anak ay isang non-stock, non-profit organization na nagbibigay tulong sa mga ina na nasa depressed areas. Ito ay itinatag ni dating Pangasinan Rep. Gina de Venecia para sa ala-ala ng kanyang namayapang anak na babae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.