Binabantayang Severe Tropical Storm Nyatoh, hindi na papasok sa bansa
Hindi na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Nyatoh, ayon sa PAGASA.
Base sa abiso ng weather bureau, kikilos na ang bagyo patungong Hilagang-Silangan simula sa Huwebes ng gabi hanggang Sabado.
Bandang 10:00 ng umaga, huling namataan ang bagyo sa layong 1,450 kilometers Silangan ng Central Luzon.
Lumakas pa ito at taglay na ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 160 kilometers per hour.
Sa ngayon, may bilis na 10 kilometers per hour ang naturang sama ng panahon.
Ayon sa PAGASA, sa kabila ng distansya nito sa kalupaan ng bansa, magdadala pa rin ang trough nito ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Bicol region, Visayas at Mindanao sa susunod na 24 oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.