Kasunduan para sa automation ng LTO sa BARMM, pirmado na
Pumirma ang Ministry of Transportation and Communications (MOTC) at STRADCOM Corporation sa isang kasunduan para sa pagsasaayos at automation ng Land Transportation Office (LTO) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Isinagawa ang signing ceremony sa Bulwagang Edu sa LTO Central Office sa Diliman, Quezon City noong Biyernes, November 26.
Dumalo sa naturang seremonya sina BARMM-MOTC Minister Dickson Hermoso, LTO chief Asec. Edgar Galvante, STRADCOM President and CEO Anthony Quiambao, BARMM-LTO (BLTO) Regional Director Anwar Upham, at STRADCOM Senior Vice President and COO George Tan.
Ayon kay Quiambo, kaisa ang kumpanya sa paghahangad ng
rehiyon ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlarang pang-ekonomiya. Ang STRADCOM ang nasa likod ng LTO-IT project na nag-automate ng core processes ng ahensya.
Sa naturang kasunduan, gagamitin ng BLTO ang LTO-IT system ng STRADCOM para maging computerized ang pagpoproseso ng lisensya, at registration ng mga sasakyan sa rehiyon.
Sa tulong nito, masisiguro ang pagiging legal ng mga dokumentong ilalabas ng ahensya at ang koneksyon ng mga datos sa LTO Central Office.
Maliban dito, sinabi ni Hermoso na makatutulong din ito sa capacity building ng mga empleyado sa rehiyon.
Tiniyak naman ni Galvante na malaki ang magiging ambag ng STRADCOM sa BARMM lalo na sa larangan ng IT.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.