P102-M halaga ng shabu, nasabat sa Caloocan
Nahuli ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNPDEG), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang P102 miyong halaga ng ilegal na droga sa Caloocan City, Lunes ng madaling-araw.
Base sa ulat ng PDEG, sinabi ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos na naaresto ang suspek na si Randy Rafael alyas “RR”, 42-anyos na residente ng Pasay City, sa bahagi ng Baesa Road.
Nakumpiska kay Rafael ang 15 piraso ng Chinese teabag na naglalaman ng humigit-kumulang isang kilo ng hinihinalang shabu.
“Since my first day as the Top Cop, I will make sure that we will continue to intensify our campaign against illegal drug peddlers and put them all behind bars,” pahayag ni Carlos.
Base aniya sa inisyal na imbestigasyon, nagtatrabaho ang suspek sa isang Chinese drug personality na kilala sa alyas na “Lim,” na nagpapakalat ng ilegal na droga sa Metro Manila at kalapit na lugar.
“Ipinag-utos ko ang malalim pang imbestigasyon at operasyon upang mahuli itong si alias Lim at matigil ang kanilang mga masasamang gawain,” dagdag ng hepe ng pambansang pulisya.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa PDEG-SOU, Camp Crame para sa mas malalim na imbestigasyon at paghahain ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.