Pagsunod sa COVID-19 protocols pinatitiyak ni Sen. Gatchalian sa pilot face-to-face classes
Ipinagbilin ni Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na tiyakin ang istriktong pagsunod sa health and safety protocols sa mga eskuwelahan na kabilang sa pinagkasahan ng pilot face-to-face classes.
Giit ni Gatchalian, napakahalaga na well-ventilated ang mga silid-paaralan.
Dapat din aniyang maayos ang mga pasilidad ng tubig, sanitation at hygiene.
Sa panig naman ng mga lokal na pamahalaan, kailangan ang active contact tracing at surveillance system.
“Matapos ang mahigit isang taon na walang face-to-face classes, sa wakas ay sinimulan na natin ang unti-unting pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang paaralan. Kasabay nito dapat prayoridad pa rin natin ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mag-aaral at mga guro,” diin ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education.
Kasabay nito, ipinaalala din ni Gatchalian na dapat maging prayoridad din sa 2022 budget ng DepEd ang ligtas na pagbabalik eskuwelahan ng mga mag-aaral.
Aniya, ang inilaan na P358-million Priority School Health Facilities ay maaring hindi sapat para sa 7,292 elementary schools, 2,082 junior high schools at 2,085 senior high schools.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.