Solon nagpahiwatig ng pagbawi sa prangkisa ng Meralco
Ipinaalala ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na maaring bawiin ang prangkisa ng Meralco kahit sa 2028 pa ito mapapaso.
Ginawa ni Marcoleta ang paalala dahil sa patuloy na pagtaas ng singil sa halaga ng kuryente ng power distributor.
“Hindi naman kailangan na hintayin pa nating mag-expire ang kanilang prangkisa dahil maari itong ipawalang-bisa o kanselahin ng Kongreso kapag nagkaroon ng paglabag sa alinman sa termino o probisyon sa batas ng kanilang prangkisa,” ang sinabi ng mambabatas sa isang privilege speech kamakailan.
Pagdidiin nito na ang mataas na halaga ng kuryente ay isa pa sa mga nakakadagdag sa mabigat ng pasanin ng mamamayan lalo na ngayon pandemya.
Dapat, ayon kay Marcoleta, amyendahan na ang Section 10 ng Republic Act 7832 para maalis na ang ‘system loss’ na sinisingil ng power distributors sa mga konsyumer.
“Ito po ay kabilang sa elements of risk sa mga kumpaniya ng kuryente na dapat ay sila ang bumabalikat at hindi ang mga konsyumer,” giit ni Marcoleta.
Nabanggit nito na P23 bilyon kada taon ang kinikita ng Meralco kayat kahit hindi na nila ipasa sa konsyumer ang halaga ng ‘system loss’ ay hindi maapektuhan ang kanilang kita.
Dapat din aniya na alisin na ng Meralco ang paniningil sa konsyumer sa pagbabayad nila ng franchise tax.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.