Kabuhayan projects, ayuda tulong para sa paglago ng Iloilo – Tugade
Magkatuwang ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamahagi ng ayuda, at programang pang-transportasyon at pangkabuhayan sa Iloilo, araw ng Lunes (November 8).
Pinangunahan ang naturang seremonya nina Transportation Secretary Art Tugade at Labor Secretary Silvestre Bello III.
Benepisyaryo ng mga programa ang transport workers sa probinsya at mga bumalik sa bansa na mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon kay Tugade, kasama si Bello, nais nilang tuparin ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng komportableng pamumuhay ang mga Pilipino.
“Naniniwala ako na kung anuman ang Iloilo ngayon, konti lang ‘yan sa kanyang mararating sa kinabukasan. Lalaki at lalago ang pamahalaang Iloilo. Kaya nga ‘ho ang pamahalaang Duterte ay nandidito ngayon upang sa kaniyang modest na paraan ay makatulong sa paglaki at paglago ng Iloilo,” saad ng kalihim.
Ipinamahagi ng DOTr ang 25 electronic tricyles o E-Trikes sa Provincial Government ng Iloilo makaraang pumirma si Tugade ng Memorandum of Agreement (MOA), kasama si Iloilo City Lone District Rep. Julienne “Jam” Baronda.
Layon aniya nitong makapagserbisyo sa mas maraming tao para makabiyahe at makapunta sa trabaho, hindi lamang sa pamamagitan ng mga pampublikong transportasyon.
Makatutulong din aniya ito upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga road user, gaya ng mga siklista at riders, para sa kanilang biyahe at paghahanapbuhay.
Maliban dito, sisimulan na rin sa naturang probinsya ang operasyon ng kauna-unahang cashless payment transaction sa mga pampublikong sasakyan.
Bibiyahe ang cashless bus sa rutang Iloilo-Caticlan, Roxas at Kalibo area.
Samantala, nasa 38 benepisyaryo naman ang nakatanggap mula sa DOLE ng kabuhayan project na “Bikecination,” at libreng cellphones at load, habang 75 indibidwal ang makikinabang sa “Trisikad” Project.
Nagbigay din ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng mga tseke para sa 40 benepisyaryo ng livelihood projects, habang 17 ang benepisyaryo ng programang “TABANG OFW.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.