3rd major Telco sa bansa nasa P8.4B na ang lugi
Nasa P8.4 bilyon na ang pagkalugi ng Dito Telecommunity ni Davao-based businessman Dennis Uy.
Ito ay base na rin sa pahayag ng third major telco sa bansa base sa inihandang dokumento ng P&A Grant Thornton.
Base sa pahayag, ang Dito Telecom ay may nakapagtala ng P4.656 billion net loss noong 2020 at P3.769 billion naman sa unang kalahati ng kasalukuyang taon.
Sa simula ng operasyon ng Dito noong nakaraang Marso, kumita ito ng P248 milyon mula Enero hanggang niyong Hunyo, ngunit gumastos naman ng P4.14 bilyon.
Naglabas na ito ng P52 billion na capital investment sa layon na makaabot ng limang milyong subscribers at service sites sa buong bansa hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
Sa ngayon ay nag-aalok na ng 4G services ang Dito sa 149 lungsod at bayan sa bansa at may 1.64 million subscribers na.
Ngunit paliwanag ng P&A ang paggasta ng telco ng bilyong-bilyong piso ay hindi naman nangangahulugan na ito ay dahil lamang sa operasyon kundi dahil sa pagpupursige na matupad ang ipinangakong serbisyo base sa nakuhang prangkisa.
Ang Udenna Communications, Media and Entertainment Holdings Corp. ni Uy ay may 54 porsiyentong share sa Dito at ang nalalabi naman ay pag-aari ng China Telecom at Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings, na hawak din ni Uy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.