Dalawang LPA, binabantayan sa loob ng bansa
May dalawang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ang PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsbility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, nakatawid na ng bansa ang isang LPA na nabuo sa Surigao, araw ng Martes.
Huling namataan ang naturang sama ng panahon sa layong 115 kilometers Kanluran ng Puerto Princesa City dakong 3:00 ng hapon.
Patuloy aniyang kikilos ang LPA pa-Kanluran at inaasahang malulusaw sa susunod na 12 hanggang 24 oras.
Huli namang namataan ang pangalawang LPA sa layong 705 kilometers Silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Nasa gitna pa aniya ito ng karagatan kung kaya’t wala pang direktang epekto sa bansa.
Ani Rojas, mababa pa ang tsansang maging bagyo ang LPA ngunit kikilos din ito pa-Kanluran patungo sa bahagi ng Bicol at Eastern Visayas.
Samantala, magdadala ng maulang panahon ang shear line ng tail-end ng frontal system sa Bicol at Eastern Visayas hanggang araw ng Huwebes, November 4.
Umiiral din aniya ang Northeast Monsoon o Amihan sa ilang bahagi ng Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.