Event organizers, hinikayat ng PNP na makipag-ugnayan sa mga LGU
Inabisuhan ng Philippine National Police (PNP) ang mga event organizer, partikular sa flea markets at bazaars, na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang masigurong nasusunod ang health protocols.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, inatasan na rin ang iba’t ibang police office at unit commanders na magtalaga ng dagdag na pulis sa mga lugar na inaasahang dadayuhin ng publiko kasunod ng Holiday season.
Dapat aniyang gawin ng event organizers ang kanilang parte upang matiyak na nasusunod ang minimum public health standards.
“Mahalaga lalo ang pagsunod sa health protocols partikular na ang physical distancing kung may kinalaman sa pagkain ang event, maski al fresco dining, dahil kinakailangan ditong mag-alis ng face mask,” saad ni Eleazar.
Paalala naman ng hepe ng pambansang pulisya sa publiko, huwag magpakampante laban sa COVID-19 habang abala sa pamimili sa mga bazaar.
“Huwag sana tayo magpakakumpiyansa sa pamimili sa Divisoria o sa mga tiangge lalo’t siksikan. Baka ang mangyari ay nakapamili nga tayo ng mura ay mapapagastos naman tayo ng malaki sa pagpapagamot,” ani Eleazar.
Dagdag nito, “Pinapaalala ko sa ating mga kababayan na ang kaunting pagluwag sa mga panuntunan ay hindi nangangahulugang wala na ang banta ng COVID-19 at wala na rin ang panganib na dumami muli ang mga kaso.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.