DAR namahagi ng lupa, nagsagawa ng legal clinic sa Cebu
Aabot sa 53.5 ektaryang lupa ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform sa 50 agrarian reform beneficiaries sa Minglanilla, Cebu.
Ayon kay Municipal Agrarian Reform Program Officer Liza Toroy, nagsagawa rin ang kanilang hanay ng legal consultation sa mga magsasaka.
Nabatid na aabot sa 129 certificates of land ownership awards ang ipinamigay sa mga magsasaka sa Barangay Camarin Vito.
Sinabi pa ni Toroy na dahil sa sila na ngayon ang nagmamay-ari ng lupa, mas mahihimok silang pagyamanin ito, kung saan makatutulong upang umunlad ang kanilang pamumuhay.
Samantala, ang legal clinic ay isinagawa ng mga DAR lawyer at legal expert upang tulungan ang mga magsasaka sa kanilang lupang may problemang pang-legal.
“Nagsagawa ang DAR ng legal consultation upang maibsan ang problema ng mga magsasaka lalo na sa kanilang mga alalahaning may legal na pangangailangan. Karamihan sa suliranin nila ay pagproseso ng mga kinakailangang papeles, lalo na ang mga tagapagmana at pamilya ng mga nasirang ARB,” pahayag ni Toroy.
Nag-facilitate rin ang DAR, sa pakikipagtulungan ng LGU Municipal Agriculture Office (MAO) na pinamumunuan ni Minerva Violon, sa pagrehistro ng mga ARBs sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA).
Ang RSBSA ay ang database system ng Department of Agriculture kung saan maaari silang magkaroon ng libreng insurance sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Assistance (PCIA).
Nagpasalamat naman si Tito Sanchez Sellote, ARB mula sa bayan ng Minglanilla, sa DAR para sa mga biyayang kanilang tinanggap.
“Sana ay hindi kayo tumigil sa pagtulong sa amin. Malaki ang tulong na naibibigay ninyo sa aming mga maliliit na magsasaka,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.