Camiguin, handa nang magbukas ng ekonomiya, turismo kasunod ng upgraded Camiguin Airport
Handa nang magbukas ng ekonomiya at turismo ang Camiguin kasunod ng inagurasyon ng upgraded Camiguin Airport sa Northern Mindanao, araw ng Biyernes (October 22).
Pinangunahan ni Transportation Secretary Art Tugade ang seremonya, kasama ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Kabilang sa mga natapos na proyekto ang fire station building, passenger terminal building (PTB), administration building, CAAP Security and Intelligence Service (CSIS) building, at runway asphalt overlay.
“Sa pagbubukas ng ating paliparan, makikita natin muli ‘yung tamis at pagsigla ng ekonomiya, ‘yung tamis at pagsigla ng ating turismo,” pahayag ni Tugade.
Sinabi rin ng kalihim na kailangan ding tutukan ang maritime at road transportation sa nasabing probinsya.
Aniya, ang pagkakaroon ng development projects ay hindi lamang para sa malalaking probinsya kundi maging sa maliliit na lugar tulad ng Camiguin.
“Asikasuhin din ‘ho natin ‘yung mga lugar na may malaking potensyal, hindi lang sa lanzones kundi sa beauty ng lugar, at sa katamisan ng hospitality ng mga tao upang sa ganon sasabihin natin sa Pilipino, sa mga biyahero at mga dumadalaw sa Camiguin: Come again to Camiguin,” dagdag ni Tugade.
Nagpasalamat naman si Camiguin Governor Jurdin Jesus Romualdo kay Tugade para sa mabilis na pagtatapos ng mga proyekto sa Camiguin Airport.
Samantala, sinabi ng DOTr na magkakaroon pa ng mga karagdagang proyekto upang mapabuti pa ang naturang paliparan.
Kasama na rito ang paglalawak ng check-in at pre-departure area, probisyon ng control tower, at pagsasaayos ng vehicular parking area.
“By next year gagawa tayo ng feasibility study kung saan mayroon bang paglalagyan ng ibang runway or kung papano iimprove itong runway dito sa Camiguin,” saad ni CAAP Director General Jim Sydionco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.