Pagpapaigting sa vaccination rollout dapat gawin ng gobyerno – Sen. Grace Poe
Ngayon pinaluwagan pa ang quarantine restrictions, sinabi ni Senator Grace Poe na dapat ay paigtingin ng husto ng gobyerno ang COVID 19 vaccination rollout.
Kailangan din aniya ito sa pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes, gayundin ang pagbubukas ng mga karagdagang negosyo.
Naniniwala si Poe na bukod sa makakasalba ng mga buhay, mababawasan din ang lockdown measures sa pagdami ng mga bakunado sa bansa.
“Ang kailangan ngayon ay mas malakas pang kampanya para mahikayat ang publiko na tangkilikin ang mga bakuna na mayroon tayo,” ayon sa senadora.
Inaasahan aniya ng publiko na mababakunahan na ng mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan maging ang mga nasa sulok na komunidad.
“Dapat maramdaman ng ating mga kababayan ang pangangalaga ng maaasahang sistemang pangkalusugan kahit saan man nila naising magpabakuna para maproteksiyunan sila at kanilang mga pamilya,” sabi pa ni Poe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.