PNP Chief Eleazar, nagpaalala sa mga pulis na bantayan ang pamamahagi ng ayuda
Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa mga pulis sa Metro Manila na istriktong ipatupad ang public health safety protocols kasunod ng Alert Level 4 system na ipinatutupad sa National Capital Region.
Naglabas ng pahayag ang hepe ng pambansang pulisya matapos ang insidente sa Delpan Sports Complex sa Maynila kung saan nagtungo ang mga senior citizen upang makakuha ng ayuda.
Base sa mga ulat, hindi nasunod ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.
Mayroon ding napaulat na may ilang residente na nakaranas ng paghihirap sa paghinga sa loob ng sports complex.
“I am reminding our police officers to be strict in enforcing our minimum health standards. Sa mga ganitong pagkakataon na may bigayan ng ayuda, dapat ay may koordinasyon ang kapulisan at mga local government units,” ani Eleazar.
Dagdag nito, “Nasa gitna pa tayo ng pandemya at bilang tagapagpatupad ng batas, dapat matiyak na hindi na mauulit pa ang insidenteng ito.”
Paalala pa nito, kapag ang lugar ay nakasailalim sa Alert Level 4, hindi pa rin maaring lumabas na tahanan ang mga may edad 18 pababa, may edad 65 pataas, may immunodeficiencies, comorbidities, at mga buntis.
Apela pa nito sa publiko, sundin ang mga panuntunan ng mga lokal na pamahalaan ukol sa pamamahagi ng ayuda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.