Palasyo, kumpiyansang lalagdaan ni Pangulong Duterte ang panukalang pagpapalawig ng voter registration
Kumpiyansa ang Palasyo ng Malakanyang na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapalawig sa voter registration.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala kasing nakikitang dahilan ang Palasyo para hindi palawigin ang pagpaparehistro lalo’t marami pa ang pumipila.
Nakatakdang matapos ang voter registration sa September 30, 2021.
Ayon sa kalihim, mangyayari lamang na hindi lalagdaan ng pangulo ang panukala, kung magkakaroon ng legal objection ang legal department ng Office of Executive Secretary (OES) na siyang magaaral nito.
Gayunpaman, kung siya aniya ang tatanungin ay wala naman siyang nakikitang posibleng i-object sa panukala.
Ayon kay Roque, sa kasalukuyan, ay hindi pa natatanggap ng Malacañan ang pirmadong kopya ng panukalang ito.
Una nang nakalusot sa Kamara at Senado ang panukalang batas na palawigin ang voter registration ng hanggang October 30.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.