Pagtawag na ‘kangaroo court’ sa Blue Ribbon Committee inalmahan ng mga senador
Hindi nagustuhan kayat hindi pinalagpas ng ilang senador ang pagtawag na ‘kangaroo court’ sa Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na sablay na sablay ang naging pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio.
“Never threaten or call the Senate names! What do they expect by threatening the Senate? That we roll over and die? [That] Will never happen!” diin ni Sotto.
Si Topacio ang abogado ni Linconn Ong, isa sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical na nasasangkot sa sinasabing pinakamalaking iskandalo ngayon may kinahaharap na pandemya ang bansa.
Pinayuhan pa ni Sotto si Ong na isiwalat na sa abogado nito ang buong katotohanan.
Si Sen. Panfilo Lacson naman ay idinaan sa tweet ang kanyang reaksyon.
“Some lawyers remind us of an ambulance that suddenly appears from behind with siren blaring, as if chasing us, to announce its appearance with all its pomp and arrogance,” ang tweet ni Lacson.
Sa buwelta naman ni Sen. Richard Gordon sinabi nito na kaibigan at kilala niya si Topacio at aniya ito ang uri ng abogado na gagawin ang lahat para sa kanyang kliyente.
“He uses everything to try and get a purchase on anything. Okay lang sa akin Ferdie, hanapbuhay mo ‘yan eh. Yong mga talagang walang ibubuga, nananakot. Bahala ka kung anong gawin mo. It’s a free country,” ang mensahe ni Gordon kay Topacio.
Una nang sinabi ni Topacio na hindi patas sa kanyang kliyente ang komite at isinalarawan pa niya itong ‘kangaroo forum.’
“Some members of the Blue Ribbon Committee are not out to get the truth. They’re out for blood. Kaya naman unfair sa kliyente ko kung siya ang gagawing pawn, gagawing sacrificial lamb para makakuha ng dugo,” sabi pa ni Topacio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.